Sunday, January 15, 2006

Papel ng Sandatahang Lakas sa Kasaysayan ng Pilipinas

Papel ng Sandatahang Panlakas sa Kasaysayan ng Pilipinas
ni John N. Ponsaran

Ang sandatahang panlakas ng isang tribo, kilusan o bansa ay nagsisilbing tagapagtanggol ng kanilang teritoryo, kabuhayan, mamamayan, pamunuan, interes at prinsipyo sa pamamagitan ng armadong pakikidigma—opensiba o depesiba man. Sa kabuuan, masalimuot ang papel ng sandatahang panlakas sa kasaysayan ng bansa. Lumalabas na hindi lamang ito usapin na kinapapalooban ng mga nagtutunggaling puwersa sa bansa sapagkat napakalaki ng papel na ginampanan ng mga dayuhang mananakop sa pagkabuo nito at kung ano na ito sa kasalukuyan.

Pagbabaliktanaw sa Kasaysayan
Ang sinaunang sandatahang panlakas ay ang mga mandirigma ng bawat tribo. Sila ang nagtatanggol sa kanilang angkan o tribo laban sa panghihimasok ng ibang tribo bunga ng di-pagkakaunawaan o ekpansyonismo. Ang mga masisikhay na mandirigma ng mga tribong ito rin ang naglunsad ng mga pulo-pulong pag-aaklas o isolated uprising laban sa mga mapang-abusong Kastila. Sinasalamin nito ang katotohanan na ang mga katutubo sa bansa ay likas na nagpapahalaga sa kalinangan, kabuhayan at kalayaan.

Sa pagpapatuloy ng layuning makamit ang pambansang kasarinlan, ang mga rebolusyunaryong Pilipino ay naglunsad ng armadong pakikibaka laban sa mga mananakop na Kastila na tuluyang napagtagumpayan noong 1898. Panibagong hamon naman ang hinarap ng mga Pilipino sa yugto ng pananakop ng mga Amerikano na sa simula ay nagpanggap na kaalyado ng bansa. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagsanib puwersa naman ang mga Pilipino at Amerikanong sundalo laban sa mga sundalong Hapon na higit na nagpatibay sa di-pantay na ugnayang militar ng dalawang bansa.

Kinasangkapan ng mga Amerikano ang sandatahang lakas ng mga Pilipino upang labanan ang lumalaganap na komunismo na banta sa kanilang pang-ekonomiya, pampulitika at panseguridad na interes sa rehiyon. Naging instrumento ang sandatahang panlakas ng estado sa layunin ng imperyalistang U.S. na higit na palawakin ang teritoryo nito sa Asya sa pamamagitan ng mga kasunduang militar tulad ng Military Defense Treaty (MDT) at Military Bases Agreement (MBA).

Naging instrumento rin sila upang lansagin ang pakikibaka ng mga armadong magsasaka at rebelyong Muslim. Ipinaglalaban ng mga organisadong magsasaka ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng lupa na pawang konsentrado lamang sa kamay ng iilang mga panginoong maylupa o landlord. Tinututulan din nila ang paglapastangan ng mga Amerikano sa pambansang soberanya ng Pilipinas na isinasakatuparan sa pamamagitan ng iba’t-ibang patakaran nito sa kalakalan, pananalapi, ugnayan panlabas, militar at iba pa. Ipinaglalaban naman ng mga Muslim sa Mindanao ang kanilang karapatan na humiway sa Republika bilang isang nagsasariling bansa o independent Islamic state. Sa mahabang panahon ay biktima sila ng diskriminasyon, pandarahas at dislokasyon sa kamay ng mga dayuhan at maging ng kapwa nila Pilipino.

Sandatahang Panlakas sa Panahon ng Batas Militar
Pangunahin ang naging papel ng militar sa pagpataw ni Marcos ng Batas Milirar o Martial Law. Kinasangkapan ni Marcos ang institusyong ito upang mapanaliti siya sa kapangyarihan. Naging instrumento ang tanggulang pambansa upang lansagin ang mga lihim na kilusan laban sa kanyang pamahalaan at para magsagawa ng mga pandarahas sa mga kalaban niya sa pulitika. Ginamit rin sila upang paigtingin ang sensura o censorship, paniniktik o espionage, pananakot at manipulasyon.

Papel ng Militar sa Pagpapabagsak ng Pamahalaan
Mahalaga rin ang papel ng mga militar sa pagpapabagsak ng pamahalaan sa pamamagitan ng coup de ‘etat. Matatandaan na niyanig ng kabi-kabilang coup ang administrasyon ni Aquino sa pangunguna ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) at ng mga opisyal ng militar na nananatiling tapat sa kay Marcos o mga Marcos loyalist.

Ang pagbawi ng suporta ng ilang paksyon ng militar sa pamunuan ni Marcos ay mahalagang yugto sa kasaysayan ng pakikibaka para sa demokrasya. Ganoon din ang naging karanasan ng bansa sa pagpapatalsik kay Estrada sa kapangyarihan. Isa-isang bumaligtad ang mga pinuno ng sandatahang panlakas upang makiisa sa lumalakas na panawagang bumaba ng siya pagkapangulo.

Sa kasalukuyan ay aktibo ang sandatahang panlakas ng bansa sa pakikiisa sa U.S. laban sa pandaigdigang terorismo. Hati ang mamamayan sa kanilang opinyon ukol dito. May nagsasabi na ito ay makatwiran sapagkat laban ito para maipagtanggol ang demokrasya at pandaigdigang kapayapaan. Subalit marami ang naniniwala na ang puno’t-dulo ng tinaguriang “U.S.-led War of Aggression” laban sa Iraq at maging sa iba pang bansa sa Middle East ay ang pagkontrol sa produksyon ng langis sa rehiyon. Binigyang diin nila na kasaysayan na mismo ang magpapatunay na ang mga patakaran militar at ugnayang panlabas ng U.S. ay laging nakasentro lamang sa pagsasakatuparan ng mga layunin nitong makasarili.

Kontrobersya sa Militar
Sa kasalukuyan ay nahaharap din sa kontrobersya ang militar dahil ay papel diumano nito sa malawakang dayaan sa eleksyon noong 2004. Isinasaad ng Konstitusyon ng 1987 na ipinagbabawal ang direkta o di-direktang pakikibahagi ng militar sa kahit na anong gawaing may kaugnayan sa pakikialam sa pulitika o political partisan activity maliban sa pagboto tuwing halalan. Kung ito man ay may katotohanan, maaaring sabihin na walang pagkakaiba ang kalikasan ng sandatahang panlakas ngayon at yaong panahon ng diktaturyang Marcos.

Imahe ng Militar
Aktibo ang militar sa mga civic action tulad ng misyong medikal-dental, relief operation at iba pa. Nakatutulong ito upang mapalapit ang loob ng mamamayan sa mga militar. Malaki ang naitutulong ng mga militar sa panahon ng kalamidad. Sa pamamagitan ng kanilang mga kagamitan tulad ng tangke, eroplano helikapter at barko ay higit na napapadali at napapabilis ang pagtulong sa mga nasalanta ng sakuna tulad ng bagyo, pagputok ng bulkan, pagguho ng lupa o landslide, digmaan at iba pa. Subalit may mga nagsasabi na psychological warfare lamang ito upang kunin ang tiwala ng mga taga-nayon at putulin ang ugnayan ng mga rebolusyunaryong kilusan sa mga mamamayan. Kilalang-kilala si Ramon Magsaysay sa paraang ito bilang taktika laban sa mga Hukbalahap noong dekada ‘50.

Mainit na usapin din ang paggamit ng pamahalaan sa mga militar upang supilin ang lehitimong pakikibaka ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi makakalimutan ng taong-bayan ang marahas na pagpapaulan ng bala sa mga magsasaka at manggagawang-bukid sa Mendiola noong 1987 na tinaguriang “Mendiola Massacre” at sa Tarlac noong 2004 na tinaguriang “Hacienda Luisita Massacre.”

Sa kabuuan, mahalaga ang papel ng sandatahang lakas ng bansa sa paghubog ng kasaysayan ng Pilipinas. Napakamakapangyarihan nito bilang institusyon. Kaya nararapat lamang na pamunuan ito ng isang sibilyang presidente na tumatayong commander-in-chief ng sandatahan. Ito ay upang tiyakin na dapat mangibabaw ang sibilyan sa militar dahil ang Pilipinas ay isang demokratikong republika. Sa hinaharap, umaaasa ang mamamayan na ang sandatahang panlakas ay magiging totoo sa dakilang misyon na tiyakin ang interes ng bansa at ng mamamayan nito, hindi ng dayuhang bansa o iilang makapangyarihan sa lipunan.

DS 112 recorded speech (alternative theories and approaches)

Present a recorded 3-minute speech about your assigned topic. Situate it in the context of the Global South. Provide an appropriate title. P...