Ang Aming Bisita
ni KBM Atienza
NSTP 1
Mayroon kaming isang bisita
Mr. Smith ang tawag naming lahat sa kanya
Isang sundalo sa aming bayan
Pamilya nami'y tinuturing n'yang 'kaibigan'.
Alala ko pa no'ng una s'yang nakilala
Siguro'y mayroon nang isang dekada
Nagtanong kung p'wedeng makituloy sa 'ming bahay
Pumayag si ama kahit ayaw ni nanay.
Ayos na ang kontrata, kulang na lang ay pirma
Hindi nagustuhan ni nanay ang mga nabasa
Ngunit sabi ni itay, makatutulong ito
Sundalo s'ya, mababantayan n'ya tayo
Paglubog ng araw, kami'y naghapunan
No'n lang namin ginamit, mga bagong pinggan
Saka ko pinaliwanag sa kanya, mga patakaran
Sa ilalim ng namana naming tahanan"
Pag pasok at paglabas ng bahay,
Kailangan lagi'y alam 'yon ni nanay
At ang mga alagang pusa at halaman,
Huwag na huwag nating pababayaan.
"Matapos noo'y tinawanan n'ya ako
Binulungan s'ya ni itay, pero narinig ko
"Balewalain mo na lang ang mga nabanggit
Para lang 'yon sa mga batang maliliit."
Sampung taon na ang nakaraan
Ang dami nang nangyari sa aming tahanan
Sampung taon na ang nakaraan
Nawala na sa tahanan namin ang kapayapaan
Sampung taon na ang nakaraan
Namatay nang lahat ang aming halaman
Wala na rin alaga kong si Muning
Aksidenteng nabaril ni Mr. Smith noong treyning
Sampung taon na ang nakaraan
Ate ko'y hindi na makalabas ng tahanan
Nagtatago s'ya dahil sa hiya
Nawala ang puri dahil ng bisitang walang-awa
Sampung taon na ang nakaraan
Sinasabi niyang kami pa rin daw ay magkaibigan
Kami ay kanyang inabuso
Kaibigan pa ba ang tawag mo dito?
Sampung taon na ang nakaraan
Sa tingin ko'y sapat na ang panahong iyan
Itama ang maling napagkasunduan
Pagkat wala 'tong ibang dulot sa 'tin kundi kahirapan