Saturday, March 09, 2013

Dagundong ng nagngangalit na takong


Gabi nang umuwi si Ditas. Napasandig sa balikat ng katabi sa gitna ng nakakainis, nakakainip at malagkit na byahe. Naidlip, humagok, "nangarap" ng "langit sa lupa" at muntik pang lumampas. Mabuti na lang ay nagising sa pamilyar na bulahaw sa kanilang kanto. Mabilis humakbang pababa ng sasakyan kahit wala namang humahabol. Listo dahil mayroon siyang kailangang habulin - ang natitirang lakas at ulirat.
 Bumaybay sa baku-bako at liku-likong daan tungo sa dampang tahanan. Pagkalapag ng kupas at tastasing bag ay agad na inasikaso ang mga nabinbing gawaing bahay. Napuyat, nakunsume, at napagod ang katawan at diwa, kapagdaka'y plakda.
 Maagang gumising. Nakipag-unahan makasakay. Muntik pang mahagip ng rumaragasang motor. Sumagi sa isip niya na sana'y nakiangkas na lang siya dahil baka pareho rin naman sila ruta ni manong.
Pumasok sa trabaho..hanap-buhay raw pero sa liit ng sahod tila hanap-patay. Sa hiwalay na lagusan sila pumapasok araw-araw. Sa kanilang trabaho'y bawal ang maliit, bawal ang mataba, dapat ay maganda/gwapo't maamo ang mukha...lookismo, heightismo - mga ismong iniire ng neoliberalismo. Pinagpostura ng mabilis. Siyang kapal at tingkad ng kolerete sa mukha ay siyang nipis naman ng pitaka at lamlam ng kinabukasan.
Nag-ayos at nagsalansan ng kalakal...kalakal na para sa kanya mismo ay hindi abot-kaya dahil abot-Jupiter din  ang presyo. Maghapong nakatayo at nagsasalita, nagngangalit ang varicose veins, nagagasgas ang lalamunan. Bawal sumandal, bawal umupo, sa ibang kompanya pa nga'y bawal ang pagsakay sa escalator.
Kamakalawa ay tinalakan ng kostomer at bisor nang halinhinan...tagusan-tagusan sa tenga, sa buto at sa puso...(daing niya'y sakit much...) Sa kabila ng lahat, kailangang nakaplasta pa rin ang ngiti at nakatono ng tila plakado ang mapang-engganyang boses...komodipikasyon ng emosyon...
Tanghalian niya'y sa karindiryang masikip at mainit, dalawang kanto mula sa pinagtatrabahuhan..
Order ay kalahating ulam na dinaan sa alat, dalawang tasang kanin, at dalawang round ng libreng sabaw na kapwa rin naghihimagsik sa asin. Merienda'y samalamig at puding na may magic sugar...masarap sa panlasa, pero traydor sa bituka. Kung talagang gipit ay hinihingi na lang ang gamit nang supot ng tsaa ng katrabaho sabay todo-sawsaw sa kanyang isang tasang mainit na tubig para kumatas ang natitirang lasa at kulay - anong tabang, anong putla..
Kapag dagsa ang tao ang kalaba'y pagkapagod.
Kapag matumal nama'y pagkabagot.  Sabay taltal ng store manager na dapat makabawi sa susunod na buwan.
Binabarat ang sweldo, binabarat din pati bilang ng pagbabanyo.  
Katwiran ng pamunua'y kabawasan sa pagiging produktibo.
Pagpiga ito sa lakas-paggawa sa kahuli-hulihang katas ng sentino.
Pasahod ay matagal at pinaghirapang kitain.
Pero tila dumaan lang sa palad sa dami ng bayarin.
Alam ni Ditas na bilang na ang araw niya.
Alam din niya na bilang na rin ang araw ng nagnanaknak na sistema.


DS 112 recorded speech (alternative theories and approaches)

Present a recorded 3-minute speech about your assigned topic. Situate it in the context of the Global South. Provide an appropriate title. P...