Wednesday, December 08, 2004

Kamalayang Malakolonyal

Kamalayang Mala-kolonyal
ni John N. Ponsaran

Sadya nga talagang malalim ang pagkakatanim ng kaisipang Kanluranin sa mga Pinoy. Kapansin-pansin ito sa iba’t-ibang larangan ng ating pagkatao sa maykro o makrong antas. Ilan lamang ang mga sumusunod sa napakarami pang mga kapuna-puna sa ating mga Pilipino.

· Tila ipinagmamalaki pa ng ibang Pinoy na sila diumano ay hindi lubos na nakakaunawa at nakakapagsalita ng wikang Tagalog o Filipino gayong baluktot din naman ang pagsasalita (o maging ang pagsusulat) sa wikang banyaga (English carabao din naman kumbaga). Lumalabas na status symbol pa ang pagiging hindi maalam at matatas sa wikang pambansa. Kaiba ito sa mga bansang may malalim na pagpapahalaga sa nasyunalismo. Kahihiyan (social disgrace) sa kanila kung “malasado” o “hilaw” ang damdaming makabayan.


· Kapansin-pansin din ang bahid ng white supremacy sa ating kultura. Kataka-taka ito para sa isang bansang kayumanggi. Sa Pilipinas, may isang local sitcom kung saan ang isang katutubong Aeta ay ipinapakete bilang tampulan ng tukso at pang-uuyam (object of ridicule). Kung iisipin ay hindi lamang naman siya bilang siya ang nabibiktima kundi maging ang kolektibong hanay ng mga Aeta sa kabuuan. Sinasalamin lamang ng ganitong tema/iskema ang katotohanan na ang mga katutubo ay mga second-class citizens lamang sa isang lipunan mala-kolonyal, elitista at nakakahon ang pag-iisip.

· Tinagurian ang mga Pinoy na little brown Americans. Hindi ito maitatanggi. Nagdudumilat ang katotohanan. Wika nga, “We think, behave, speak and dress like the Americans.” Bunga ito ng matagumpay na kolonisayon at neo-kolonisasyon ng Estados Unidos sa mga Pinoy. Sa pananalita ni Prop. George Ritzer, ito ang penomenong “Mcdonaldization of the society” o ang paglalapat ng Kanluraning moda sa pandaigdigang antas (hegemony). Ang MTV at Hollywood invasion ay mga manipestasyon din ng Mcdonaldized na lipunan.

· Sa isang mala-kolonyal na kaayusan, walang ganansiya ang maaaring asahan ng mga bansang tulad ng Pilipinas mula sa mga MDCs (more developed countries). Sa kasaysayan (at maging sa kasalukuyan), tatlo ang naging mahalagang papel ng bansa (at maging ng iba pang nasa hanay ng Third World) sa pandaigdigang ekonomiya ayon sa kumpas ng U.S.. Una, ang maging suplayer ng hilaw na produkto (source of raw materials). Ikalawa, ang maging suplayer ng murang lakas paggawa (supplier of labor force). Pangatlo, ang maging tambakan ng mga sobrang produkto (dumping ground of excess commodities). Nakapanlulumo!

· Upang mas mapalaganap ang kaisipang Kanluranin ay tuwirang pinawi ng mga conquistador ang diwa ng ating pagka-Asyano. Ang tuluyang pagka-alienate natin mula sa ating lipi at kalinangang pinag-ugatan ang dahilan kung bakit tayo ay “lutang” (in limbo) bilang mga Pilipino. Mas naka-ugat ( o identified) tayo sa piyesta (bilang manipestasyon ng faith-fate), sa jeepney (isang scrap war vehicle ng mga Kano na naiwan at itinambak sa bansa natin) at sa mga telenovelas (nanguguna sa pagpapalaganap ng escapism).



Sa kabila ng lahat ng ito ay mayroon pa rin namang inaasahang pagkamulat (o pagka-untog). Subalit ito ay isang mahabang proseso. At nagsisimula ito sa pagpuna sa sarili at sa mga gawing mala-kolonyal. Ang pagbabago ay dapat mangyari ng sabay mula sa itaas at ibaba. Hindi masama ang exposure sa mga kaisipang Kanluranin kung ito ay mapanghahawakan ng mahusay at hindi sapilitang ilalapat sa hindi angkop na konteksto.



DS 112 recorded speech (alternative theories and approaches)

Present a recorded 3-minute speech about your assigned topic. Situate it in the context of the Global South. Provide an appropriate title. P...