Monday, January 03, 2005

Kilos Protesta

Kilos Protesta ng Mamamayan
ni John N. Ponsaran


Kamakailan, kabi-kabila ang mga kilos-protesta sa lansangan na pinangungunahan ng mga mamamayan. Sa kasaysayan ng bansa, halos hindi na mabilang ang dami ng pagkakataon na naglunsad ng malayang pagkilos ang mga organisadong sektor. Sa pangkalahatan, sinasalamin nito ang pagkadismaya ng hanay ng mamamayan sa mga maling nangyayari sa lipunan. Isa itong mahalaga at epektibong check and balance mechanism sa sistemang pampulitika ng isang bansang demokratiko.

Ang mga kilos-protesta ay maaaring maisagawa sa maaayos o marahas na paraan. Ang paglulunsad ng mamamayan ng malayang pagkilos ay bahagi ng kanilang demokratikong karapatan. Ang karapatang sibil na ito ay sinususugan ng Saligang Batas partikular ng probisyon ng Artikulo 3 Seksyon 4 na nag-gagarantiya sa karapatan ng mamamayan sa malayang pag-oorganisa at pagpapahayag.

Karaniwang may mga ipinapadala na armadong puwersa ang pamahalaan sa lugar ng demostrasyon upang mapanatili ang kapayapaan . Subalit kung minsan ay hindi maiiwasan ang girian sa pagitan ng dalawang panig kaya nagreresulta ito sa pananakit at iba pang porma ng pandarahas. May mga mapang-abusong alagad ng batas at mayroon din namang mga di-makatwiran at agaw-atensyon lamang na mga nagpoprotesta. Subalit, sa pangkalahatan, karaniwan sa mga malayang pagkilos ay may batayan, makatwiran at nakakabuti sa karamihan.

May mga sektor ng lipunan na isinisisi sa mga raliyista ang mga nangyayaring aberya tulad ng pagkaantala ng produksyon (lalo na sa kaso ng mga unyon), pagkaantala sa mabilis na daloy ng trapiko, pagkabahala ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan, pagkasira ng imahe ng bansa, at iba pa. Subalit ang mga ito ay pansamantalang epekto lamang. Inaasahan na ang mga ito ay may makabuluhan at pangmatagalang epekto na makakabuti sa mayorya.

Bilang pangwakas, naniniwala ako na magpapatuloy ang mga ganitong pagkilos hangga’t may mga magsasaka sa kanayunan na biktima ng pangangamkam ng lupa, mga manggagawa na over-worked pero underpaid, mga katutubong itinataboy ng mga korporasyong transnasyunal mula sa kanilang lupaing ninuno, mga kababaihang biktima ng double standard at domestic violence, mga kabataang dumaranas ng pandarahas at sunod-sunod na di-makatwirang pagtaas ng matrikula, mga mangingisdang biktima ng di-pantay na pakikipagkumpitensya sa mga mapang-abusong commercial fishing, mga migranteng biktima ng paglabag sa kanilang karapatang pantao, mga manunulat at komentaristang biktima ng pandarahas, mga konsumer na patuloy na ginigipit ng mga korporasyong ganid sa tubo, at marami pang ibang porma ng modern-day slavery.

DS 112 recorded speech (alternative theories and approaches)

Present a recorded 3-minute speech about your assigned topic. Situate it in the context of the Global South. Provide an appropriate title. P...