Bakit may aktibista?
ni diwangpalaboy
May mga teorya na nagtangkang ipaliwanag kung bakit aktibo ang ilang kabataan sa mga kilos-protesta. Isa-isahin natin.
Una ay dahil diumano sa adbenturistang katangian ng mga kabataan. Madaling nakakaangkop ang mga kabataan dahil sa kaparehong aktibong katangian ng mga gawain ng kilusan.
Ikalawa ay ang identidad. Ang mga kabataan sa ganitong edad ay nasa yugto ng pagtuklas at pagkilala sa kanilang sarili. Ang matukoy at maituring na aktibista ay isang pagkakakilanlan.
Ikatlo ay bunga ng mga personal na isyu. Maaaring may personal na sama ng loob ang bata sa kanyang magulang at upang ito ay mailabas, kanya itong ibinabaling sa pamahalaan o sa nananaig na kaayusan.
Ikaapat ay ang idealismo. Aktibo sa paglulunsad ng makabuluhang pagbabagong panlipunan ang mga kabataan sapagkat ayaw nilang magmana ng lipunang di-makatarungan at dekadente sa hinaharap. Ganito rin ang binigyang diin ni Renato Constantino sa kanyang artikulong pinamagatang Parents and Activists. Para sa mga kabataang ito, ang kanilang mga pagkilos ay pagpapatuloy lamang ng mga laban na sinimulan ni Gat. Andres Bonifacio.