Ang Pagsalakay ng Manananggal
ni JNPonsaran
Minsan nang napabalita sa pahayagan at telebisyon ang pag-atake diumano ng isang manananggal (self-segmenting viscera sucker) sa kabahayan ng mga skwater sa Kamaynilaan.
Ito ay matagal-tagal ding naging usap-usapan sa mga taga-lungsod at taga-nayon. Tampok itong paksa sa mga umpok-umpukan sa kanto at talapapagan (talakayan sa papag).
Subalit ito ay isang urban legend lamang. Sa katotohanan, ito ay kathang-isip lamang ng mga maralitang tagalunsod (urban poor) na karamihan ay nagmula rin sa kanayunan (countryside). Sa kanilang pagdating sa kalungsuran (city), dala-dala rin nila ang kanilang kinasanayang kaisipan at kultura.
Bahagi ng kanilang kinalakihang pagtingin sa reyalidad ay ang paniniwala sa mga misteryo, kababalaghan at superstisyon. Bunga ito ng mga matatandang paniniwala na ipinasa sa kanila ng kanilang mga ninuno at ng direktang ugnayan nila sa kalikasan na pinaniniwalaang tinitirhan ng mga ispiritu.