Sunday, January 15, 2006

Nazism at Holocaust

Ang Mapaminsalang Nazism at Holocaust
ni John N. Ponsaran

Ang isang ideolohiya, patakaran o pamunuan ay hinahatulan batay sa pangkalahatang epekto nito sa mamamayan. Kasaysayan ang hahatol kung ito ba ay naghatid ng kabutihan o kapinsalaan sa lipunan. Siyasatin natin ang isang yugto ng kasaysayan sa Germany sa panahon ng pamamayagpag ng pamahalaan ni Adolf Hitler mula 1933-1945 o mas popular sa bansag na Nazi Germany o Third Reich.

Ang Nazismo

Ang ideolohiya ay isang sistema ng paniniwala na nagsisilbing balangkas, salalayan o batayan ng desisyong pang-ekonomiya, kilusang pampulitika at sistema ng pamamahala sa lipunan. Ang Nazism o Nazismo bilang isang ideolohiya ay mayroong negatibong konotasyon bunga ng hindi magandang karanasan ng mga mamamayang Hudyo o Jews sa Germany. Nazismo ang nagsilbing ideolohiya ng National Socialist German Workers Party o mas kilala bilang Nazi Party na pinamunuan ni Adolf Hitler. Samakatuwid, hindi maiiwasan na direktang i-ugnay sa kanya ang ideolohiyang ito.

Totalitatianismo at Sentralisadong Pamumuno
Isa sa mga katangian ng Nazism ay ang pagkakaroon ng malakas na sentralisadong pamahalaan. Mas nakahihigit ang Estado sa interes ng mga mamamayan sa ilalim ng ganitong sistemang pampulitika. Kontrolado ng pamahalaan ang maraming aspeto ng lipunan. Ipinapatupad ang mahigpit na sensura sa paglalathala. Walang puwang ang kritisimo at malayang pamamahayag. Mahigpit din ang regulasyon sa paglalabas-pasok ng mamamayan sa bansa. Walang timbangan o balanse ng kapangyarihan sapagkat nakakonsentra sa kamay ng mga nasa posisyon ang ekslusibong awtoridad na magpasya. Kontrolado rin ang kamalayan ng mamamayan sa pamamagitan ng mga mga pambansang simbolo tulad ng swastika, watawat, slogan at iba pang bagay na kumakatawan sa Estado.

Kapansin-pansin ang pagkakapareho ng Nazismo at Fascism sa usapin ng pilosopiya at patakaran sa sistemang pampulitika, pang-ekonomiya at panlipunan. Ang tanging pagkakaiba lamang ay ang sakop. Ang Nazismo ay tumutukoy sa partikular na sitwasyon sa Germany sa panahon ng Third Reich. Samantalang ang Pasismo namang ay tumutukoy sa mga pampulitikang kilusan o pamahalaan sa iba’t-ibang panig ng daigdig na may sistemang sentralisado, militaristiko at awtokratiko tulad ng Italy sa panahon ng pamumuno ni Benito Mussolini. Samakatuwid, maaaring ituring na isang uri ng Pasismo ang Nazismo.

Militarismo
Sentral ang papel na ginagampanan ng militar o hukbong sandatahan sa pagpapanatili ng awtokratikong rehimen ni Hitler. Tungkulin ng militar na proteksyunan ang Estado sa anumang uri ng pagsalakay upang ito ay hindi mapabagsak ng anumang grupo. Upang ito ay tiyakin, malaking halaga ang inilalaan ng pamahalaan sa higit pang pagpapalakas sa hukbong sandatahan para sa karagdagang armas at pagsasanay. Ang tawag sa ganitong patakaran ay militarismo.

Si Hitler at ang Social Darwinism
Etnosentriko ang pananaw ng mga Nazi. Naniniwala sila na nakahihigit ang lahing Aryan kumpara sa iba pang lahi sa daigdig. Para kay Hitler, ang mga Jews, Gypsies at Slavic ang umoukopa sa pinakamababang saray o antas ng lahi sa mundo. Ang isang tao na may etnosentrikong pananaw ay naniniwala na ang kanyang kultura o pangkat na kinabibilangan ay higit na nakapangyayari kaysa sa iba.

Naniniwala si Hitler na ang mga mahihina, sakitin at mabababang uri ay dapat mawala sa lipunan upang tiyakin na yaong mga malalakas, mahuhusay at nakapangyayari lamang ang mananatili. Ang kaisipang ito ay may kaugnayan sa pilosopiyang Social Darwinism na nagsasaad na sadyang may di-pagkakapantay-pantay sa natural na kaayusan ng mga bagay-bagay sa lipunan.

Mahigpit ding ipinatupad ang patakaran ni Hitler laban sa mga bakla at may kapansanan o sakit na maaaring maipamana sa mga magiging anak. Tulad ng mga Hudyo, dumanas din sila ng matinding pagmamalupit. Alinsunod sa pilosopiya ni Hitler ay isinakatupaaran din ang sterilisasyon at pagpatay sa mga naghihirap bunga ng malubhang karamdaman o tinatawag ding “euthanasia.”

Sa kabuuan, sinasalamin ng kanyang mga patakaran laban sa mga Hudyo at iba pang grupo na itinuturing niyang mababa ang kaisipang ito. Samakatwid, may pagtatangi ang pamahalaan ni Hitler batay sa etnisidad, lahi at kasarian.

Kinukondena niya ang isang lipunan na binubuo ng iba’t-ibang lahi at pangkat-etniko sapagkat balakid ito diumano sa pagbuo ng isang pambansang pagkakakilanlan o “national identity” at matatag na bansa. Malayong mapagkaisa ang isang bansa na binubuo ng iba’t-ibang pangkat-etniko. Naniniwala rin siya na dapat ay hindi pahintulutan ang pakikipag-asawa sa ibang lahi o inter-marriage upang manaliting puro ang dugong Aryan. Para sa kanya, ang isang bansang may iba’t-ibang wika at kultura ay walang katatagan at hindi magtatagumpay sa anumang larangan.

Kung patakaran sa mga pambansang minorya ang pag-uusapan ay maraming pagkakahalintulad ang pamahalaang Estados Unidos at ang awtokratikong rehimen ni Hitler. Tulad ng mga Hudyo ay dumanas din ang mga Native Americans o American Indians ng pandarahas, dislokasyon at panunupil mula mga Amerikano na nag-aastang higit na nakapangyayari.

Ang Holocaust at mga Kaso ng Paglabag sa Karapatang Pantao
Malagim ang naging karanasan ng mga mamamayang Hudyo sa Germany sa panahon ng totalitaryanismong Hitler. Dumanas sila ng iba’t-ibang uri ng paglabag sa karapatang pantao. Marami sa kanila ang ikinulong nang matagal sa panahon sa mga labor at concentration camps kung saan ilan sa kanila ay dito na rin namatay bunga ng pagkakasakit at kumplikasyon.

Sistematiko at maramihan ang ginawang pagpaslang sa kanilang hanay kaya tinagurian itong genocide o mass murder. Sa pagtataya ay may 11 milyong kalalakihan, kababaihan at kabataan ang namatay sa yugong ito ng kasaysayan na tinawag ng Holocaust.

Hindi maikakaila ang marahas na pagtrato sa mga Hudyo sa yugtong ito ng kasaysayan ng Germany. Sa katunayan ay detalyado itong naitala sa talaarawan ni Anne Frank, isang batang Hudyo na dumanas na matinding hirap kasama ang kanyang pamilya sa isang concentration camp. Isinulat niya dito ang karanasan ng kanyang pamilya at kapwa Hudyo na balot ng takot, kaba at pag-aalala.

Kinondena ng maraming mamamayan sa iba’t-ibang panig ng daigdig ang mapang-abuso at di-makataong patakaran ni Hitler laban sa mga minoryang Hudyo. Itinuring silang minorya bunga ng kanilang kakaunting bilang kumpara sa mga Aleman (German) na higit na nakararami at mapalad kaysa sa kanila. Pawang mga German lamang ang nakinabang sa mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan ni Hitler.

Neo-Nazismo
Sa kasalukuyan, ipinagbabawal na sa Germany ang Nazismo subalit may mga grupo pa ring yumayakap sa kaisipang ito. Tinatawag silang mga Neo-Nazis. Ang ilan sa kanila ay aktibo rin sa Estados Unidos at maging sa ibang bahagi ng Europa. Sa pelikulang “American History X” ay isinalaysay ang buhay ng mga taong yumayakap sa Neo-Nazismo at kung paano nito sinira ang kanilang kinabukasan. Binigyang diin sa pelikula ang negatibong epekto ng mapanira, mapaghiganti at marahas na katangian ng Neo-Nazismo sa mamamayan lalong-lalo na sa mga nabibilang sa ibang lahi tulad ng mga African, African-American, Latino at Asyano.

Ang pagtatangi batay sa etnisidad, lahi at nasyunalidad ay hindi makatwiran at dapat kundenahin. Una, wala itong kongkretong batayan. Ikalawa, nagiging pamantayan lamang ito sa pagsasakatuparan ng malawakang diskriminasyon at pagmamalupit sa ibang lahi o pangkat-etniko sa lipunan. Ikatlo, nagdudulot ito ng pagkakahati-hati sa lipunan na maaaring magresulta sa kaguluhan, kapahamakan at kamatayan. Sa Sosyolohiya, tinatawag na racial o ethnic stratification ang hindi pantay na antas sa estado, pagtingin at opurtunidad para sa iba’t-ibang lahi o pangkat-etniko sa daigdig.

SS 120 science communication speech (Nov 26)

Deliver an  original  speech about your assigned topic. Limit the speech to   three minutes only . Introduce yourself properly. Provide an  ...