Sunday, January 15, 2006

Sanhi ng Kahirapan

Mga Sanhi ng Kahirapan
ni John N. Ponsaran

Mabigat na hamon sa pamahalaan, pandaigdigang samahan, mamamayan at maging sa pribadong sektor ang pagsugpo sa malawakang kahirapan. Balakid ito sa layunin ng bawat isa na umunlad at guminhawa ang buhay. Upang ito ay maisakatuparan, maraming mga programa at proyektong inilunsad ang pamahalaang lokal at nasyunal, mga pangrehiyon at pandaigdigang samahan o regional and international organization tulad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) United Nations (UN) at mga organisasyong binuo ng mga mamamayan o non-governmental organization (NGO) at people’s organization (PO) upang solusyunan ang kahirapan sa lipunan. Subalit hindi magiging matagumpay ang anumang hakbang kung hindi magagawang tukuyin ang sanhi o ugat ng kahirapan sa konteksto ng lipunang binibigyang-pansin, halimbawa Pilipinas. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga itinuturing na sanhi ng kahirapan ng mga mamamayan. Ang mga suliraning ito magkaka-ugnay at maaaring sabay-sabay taglayin ng isang bansa.

Hindi Makatwirang Sistema ng Pagmamay-ari ng Lupa
Nananatiling nasa kamay lamang ng iilan ang pag-mamay-ari ng lupa sa bansa. Malaking bilang pa rin ng mga magsasaka ang walang sariling lupa. Karamihan sa kanila ay mga manggawang bukid o farm worker ng mga malalaking hacienda na pagmamay-ari ng mga panginoong may lupa o landlord. Sa halip na pakinabangan nila ang kanilang ani ay tumatanggap lamang sila ng kakarampot na suweldo na hindi sapat para sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Isang halimbawa ng ganitong sistema ay ang karanasan ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita sa Tarlac na pagmamay-ari ng angkan ng mga Cojuangco. Isang pangarap pa rin hanggang ngayon para sa maraming magsasaka ang tunay na reporma sa lupa.

Kawalan ng Pagpapahalaga Kasaysayan
Ang isang bansa na hindi marunong magpahalaga sa kasaysayan ay inaasahang magpapaulit-ulit lamang na daranasin ang mga nauna nitong pagkakamali. Ayon kay Renato Constantino, isang makabayang historyador, mahalaga ang pambansang pagkakakilanlan o national identity at katutubong kalinangan sapagkat ang mga ito ang nagbibigkis sa mamamayan bilang isang lahi. Sinasalamin ng neokolonyal na sistema ng edukasyon sa maraming bansa ang kawalan ng pagpapahalaga sa katutubong kalinangan at kasaysayan.

Hindi Pantay na Relasyon sa Ibang Bansa
Ang bansang nagmistulang tambakan lamang ng sobrang produkto, taga-suplay ng murang at sunud-sunurang lakas-paggawa at tapunan ng mga pinaglumaan at depektibong teknolohiya ng dayuhang estado ay maituturing na isang bansang nakapaloob sa makabagong anyo ng kolonisasyon o neocolonialism. Ang ganitong sistema ang higit na nagpapahirap sa mga mamamayan ng isang bansa. Ang pagdagsa ng sobra produkto sa isang bansa ay nakakaapekto sa lokal na industriya. Kung hindi magawang makipagsabayan ng lokal na industriya, maaari bumaba ang kita nito at tuluyang magsara. Inirereklamo naman ng lakas-paggawa ang laganap na diskriminasyon o pagtatangi batay sa lahi at ang mababang pasahod sa mga pagawaan na pagmamay-ari ng mga dayuhang kapitalista. Ang pagtanggap ng bansa sa mga pinaglumaan at depektibong teknolohiya mula sa dayuhan ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa mamamayan at kapaligiran.

Lubog sa Dayuhang Pagkakautang
Napabigat na hamon sa pamahalaan ng isang bansang lubog sa kumunoy ng pagkakautang ang pagbabayad dito. Karaniwang may pagkakautang ang mga mahihirap na bansa o tinatawag ding Global South o developing countries sa mga multilateral financial institution tulad ng IMF-WB at mayayamang bansa o tinatawag ding Global North o developed countries. Matindi ang epekto ng malaking pagkakautang ng mga mahihirap na bansa sa mga programang panlipunan nito. Sa halip na ilaan sa patubig, kalusugan, edukasyon, pabahay at iba pang batayang serbisyong panlipunan ay napupunta lamang ito sa pambayad utang.


Atrasado at Dekadenteng Kultura
Mahalaga ang papel ng kultura sa pagsasakatuparan ng layunin ng isang bansa na umunlad at guminhawa. Subalit magsisilbi lamang itong hadlang kung ang katangian nito ay atrasado at dekadente. Ilan sa mga manipestasyon ng kultura na may ganitong katangian ay ang laganap na katiwalian sa pamahalaan, paniniwala sa mga pamahiin na nakakasama sa kapakanan ng tao, bulag na pagsunod o blind obedience, pagiging makasarili at mapag-imbot sa kapwa, pagsasabukas ng mga bagay na maaaring gawin ngayon o procrastination, pagiging palaasa sa kapwa at sa ibang bansa o culture of dependence and mendicancy at iba pa.

Kawalan ng Katatagang Pampulitika
Mahalaga ang papel ng katatagang pampulitika upang tiyakin na hindi maikokompromiso ang interes ng sektor pang-ekonomiya. Ang pamunuan na puro bangayan, pagpapakitang-gilas, gipitan at pansariling kapakanan lamang ang inaatupag ay hindi nakabubuti sa ekonomiya at sa mamamayan. Bagama’t mahalaga ang debate sa isang demokratikong sistemang pampulitika, ang kalabisan naman nito ay nakakasama sa pamumuhunan, kalakalan at empleyo. Ang paiba-ibang patakaran sa bawat administrasyong pampanguluhan ay may masasamang implikasyon sa operasyon ng dayuhan o lokal na negosyo. Ang isang sistemang walang katatagang pampulitika ay hindi maaring asahan na makakapaghatid ng mataas na kalidad na serbisyo publiko o makakalikha ng desenteng trabaho para sa mga mamamayan nito.

Panggamit ng Hindi Angkop na Modelong Pangka-unlaran
Ang modelong pang-kaunlaran o development model ay balangkas na ginagamit ng isang bansa upang patakbuhin ang ekonomiya at mapaunlad ito. Isinasaad at ginagabayan ng development model ang patakaran ng isang bansa na may kinalaman sa pananalapi, pakikipagkalakalan, paggamit ng likas na yaman, empleyo, pagbubuwis, pangungutang, ugnayang panlabas at iba pa. Ang bawat development model ay may binabagayang sitwasyon o kondisyon. Samakatwid, makasasama sa kapakanan ng bansa at mamamayan nito ang paggamit ng isang development model na idinikta lamang ng ibang mas malakas na bansa tulad ng Estados Unidos o pandaigdigang institusyong pananalapi tulad ng World Bank (WB) at International Monetary Fund (IMF) lalo na kung ito ay hindi angkop sa konteksto ng kasaysayan, kultura, ekonomiya at pulitika ng bansa. Halimbawa, hindi makatwirang ipilit sa isang bansang agrikultural tulad ng Laos at Cambodia na gamitin ang isang modelong pangkaunlaran ng isang industriyalisadong bansa tulad ng Japan at France ng basta-basta. Maaaring humalaw ng modelo sa ibang bansa subalit dapat itong i-angkop sa partikular na kalagayan at karanasan ng lipunan.

SS 120 science communication speech (Nov 26)

Deliver an  original  speech about your assigned topic. Limit the speech to   three minutes only . Introduce yourself properly. Provide an  ...