TUGON AT PANANAGUTAN NG PROGRAMA NG ARALING PANGKAUNLARAN
Tinituluhang "Salimbayan" ang ating gawain ngayong araw dahil sa paniniwala na mahalagang magkatuwang ang mga kilusang masa, institusyong pampananaliksik at akademya sa kritikal na layuning bumuo ng isang lipunang nakabatay sa katarungan, kalayaan, at likas-kayang kaunlaran. At isa sa mahalagang sangkap upang makamit ito ay sa pamamagitan ng isang uri ng edukasyon na makamasa, siyentipiko, makabansa at makapamayanan.
Sentral sa lahat ng layuning ito ay ang pananagutan ng pamantasan sa mga mamamayang pinaglilingkuran nito. Kritikal ang gampanin ng pamantasan na maging isang kontra-pwersa o kontra-daluyong sa isang lipunang sinalanta at sinasalanta ng sabwatang dayuhan at lokal na mananamantala sa mga sakahan, pangisdaan, kabundukan, pagawaan, kalunsuran, pamantasan at maging sa cyberworld.
Partikular na kinikilala ng Programa ng Araling Pangkaunlaran ang makabuluhang papel ng mga abanteng pwersa mula sa hanay ng batayang sektor bilang kaakibat ng pamantasan sa hangaring makapaglatag at/o mapalakas ang pampamayanang oryentasyon ng kurikulum, maging makabuluhan ang adyendang pampananaliksik at maging mahigpit ang integrasyon at koordinasyon ng mga pampublikong serbisyo sa UP upang ang Pamantasan ng Pilipinas ay maging tunay na Pamantasan ng Bayan.
Ang mga natipong kaalaman, pagkilala, puna, opinyon, at mungkahi ukol sa Programa at bumubuo rito mula sa ating naging gawain ngayong araw ay magsisilbing lunsaran namin upang repasuhin ang kasalukuyang kurikulum at bumalangkas ng isang mas malalim, mas matalas at mas kritikal na alternatibong babangga sa namamayaning makakanluran, makasarili, makakorporasyon at atrasadong sistema at diskurso ng kurunungan at edukasyon. Sasaklawin ng prosesong ito ang pagpapayaman sa lalamanin ng kurso (content), paraan ng pagtuturo (pedagogy) at pagtukoy ng mga mapagpalayang adyendang pampapapanaliksik. Salimbayan ding aaralin sa klase ang mga nananaig at kakontra nitong diskurso, sistema at programa at mula sa dialektikal na prosesong ito ay hahantong sa pagbuo ng lapat, buo at alternatibong katumbas. Mahalaga ring maiugnay ang pakikibaka ng mga mamamayang masa sa Pilipinas sa mga kapwa nila nasa laylayan ng lipunan sa ibang panig ng daigdig.
Patuloy na babalikwas ang kurso sa tradisyunal na kaayusan sa pamamagitan ng paglalatag ng kritikal na dulog sa pag-aaral ng iba't ibang larangan kagaya ng critical development theory, critical political studies, critical political economy, critical government accounting, critical human resource development, critical migration studies, critical cultural studies, critical ethnography, critical development research, critical industry analysis, critical peasant studies, critical China studies, critical media analysis at iba pa.
Higit na pag-iibayuhin ng kaguruan ang pagpapanday ng kanilang kolektibong kasanayan sa pagtuturo, pananaliksik at serbisyo publiko na kasalimbayan ang kanilang mag-aaral. Kapwa rin kinikilala ng Programa ang napakalaking potensyal ng mga estudyante ng kurso sa kilusang pagbabago sa loob at labas ng pamantasan. Katuwang ang isa't isa ay higit naming lilinangin ang kakayahan ng mga mag-aaral sa larangan ng pagsusuri, pagsusulat, pagsasalin, pananaliksik (kalitatibo, kantitatibo at salimbayan nito), popularisasyon at pagsasapubliko ng kaalaman, pagtatalumpati, pakikipagtalastasan, pagtatanghal at pakikipamuhay upang maging epektibo, responsable, sensitibo at etikal na manggagawang pangkaunlaran (development worker) sa hinaharap.
Matayog ang hangarin ng Salimbayan 2014 subalit buo ang tiwala natin sa ikatatagumpay nito.
Patuloy tayong tutukoy ng iba pang larangan at oportunidad ng pagtutulungan at pagkakaisa tungo sa kaganapan ng praxis ng panlipunang pagbabago.
Pinakamataas na pagpupugay sa mga mag-aaral ng lipunan at ahente ng ekonomyang politikal na transpormasyon.
Wednesday, July 09, 2014
DS 112 recorded speech (alternative theories and approaches)
Present a recorded 3-minute speech about your assigned topic. Situate it in the context of the Global South. Provide an appropriate title. P...
-
kakayahan = n. ability, capability kakanyahan = n. individuality, identity Source: Prof. Amante del Mundo
-
deconstruction of pizza pie by DiwangPalaboy (pls. remember polysemous* ang maraming bagay) *multiple meaning at first i was afraid...
-
1. Provide an appropriate title for the brochure. 2. Include the names of the group members. 3. Provide in-text citations (DS 112). 4. Avoid...